Wednesday, February 15, 2006

Angeli and Benjamin Story

This is a touching story by Dr. Noel C. Cruz, MD. He was used by GOD as an instrument in helping Angeli to survive with her pregnancy complication. This Guy and the other doctors did not gave up. They tried all the possible solutions that they can provide to their patient just to revived her from dying. Dr. Cruz didn't forgot to pray to our SAVIOUR when he don't know what more to give to her patient.

In this story GOD shows how powerful he is and how much he loves us. He's the only one who can decide when our time comes, miracle always happens and prayers is the most power-full medicine that a person needs to survive in his/her everyday life. I hope there will be more Doctors like Dr. Noel Cruz, who prioritize the lives of their patients. For you SIR and to the other Doctors keep up the good work and GOD BLESS YOU ALL. :-)

"It's a loooooong story but worth reading."


ANGELI AT BENJAMIN
by: Noel C. Cruz, MD

“Ingatan mo po ang bawat isa sa aming pagtulog, bantayan ang aming diwa at ang buong kapaligiran, Amen.” Ito ang huling bahagi ng pansariling panalangin bago ako matulog nang gabing iyon. Halos mag-aalas dose na ng umaga nang ako’y mahiga katabi ng aking himbing na himbing na asawa’t anak. Eksaktong kasasambit ko pa lamang sa aking isip ng salitang Amen, nang tumunog ang telepono, agad kong sinagot para huwag magising ang mag-ina. Sa kabilang linya, “Dr. Cruz, this is Michelle, the resident physician on duty at Ospital ng Muntinlupa, we have an emergency referral for you.

A 27-year old patient already on her ninth month of first pregnancy. Don’t worry, she is presently not in labor, however the obstetrician noted an elevated BP of 160/100, the heart rate is also fast at 120/min.” Sa totoo lang, naghalong pagkabagot at takot ang naramdaman ko sa referral, wala sa timing. Hindi pangkaraniwan sa mga inang malapit nang manganak ang ganitong kondisyon. Sa aking palagay bilang isangdoktor na Internal Medicine ang linya, ang mga ganito ay posibleng senyales ng maselan at nakababahalang pagbubuntis. Kaya dapat puntahan agad.

Nagbihis ako’t nagpaalam sa aking maybahay. Pagdating sa ospital, ipinaalam sa akin na nasa delivery room na ang pasyente, dahil anumang oras ay maaari siyang ma-Cesarian Section (CS). Nakipagkilala ako sa pasyente, si Angeli Arcilla. Katabi niya si Aristotle, Aris ang palayaw, ang kabiyak na halos kasing edad niya. Kapansin-pansin na mabilis at mababaw ang paghinga ng pasyente, medyo iniaangat ng puso ang dibdib sa bawat pagtibok nito. Hindi na namang magandang senyales para sa kondisyon ng pasyente.

Medyo groge pa si Angeli dahil bago ako dumating, sobra daw ang nerbiyos kaya’t napilitang bigyan siya ng gamot na pampakalma. Sabay sa pakikipag-usap sa mag- asawa ang aking physical examination. Malinaw ang pasok ng hangin sa baga, maganda at regular ang tunog ng puso dangan lamang ay napakabilis. Manas ang mga paa at kamay. Walang dudang may pre-eclampsia ang pasyente. Nagulat ako nang gamit ang neuro hammer at pinukpok ang mga tuhod, sobrang bilis ng mga reflexes na halos masipa ako sa bawat pukpok.

Inisip ko na bakamay toxic goiter din ang pasyente. Sobrang delikado kung siya’y maooperahan, hindi biro ang sakit na nagwawala ang goiter, parang isang bagyo ang dumaan sa pasyente. Nagpasimula ako ng ilang gamot na magpapabagal sa tibok ng puso at magpapababa ng presyon. Nag-request din ako na suriin agad ang: sodium, potassium, kidney at liver chemistries at ulitin sa umaga ang ECG. Alas dos na ng madaling araw ako nakauwi, malalim pa ring sinusuri ng isip kung ano talaga ang sakit ni Angeli. Bukod sa pre-eclampsia na dala ng kanyang pagbubuntis, may mga senyales na mayroon pang ibang malaking problema, kung ano man, hindi pa naaabot ng aking isip.

Alas sais nang umaga ko binalikan si Angeli sa delivery room. Maaga dahil hindi talaga ako mapakali sa kanyang kondisyon. May hinuha akong maaaring parang pagsabog ang kanyang posibleng pagsama ng kalagayan. Nakita ko siyang gising na gising at nakakausap ng matino. Umasa akong umepekto sana ang gamot na naibigay para kontrolin ang bilis ng puso at ibaba ang blood pressure. Pero nakaka-frustrate dahil heto ang pasyente, hindi naman nagle-labor ni wala namang kirot, may oxygen sa ilong, may suwero, komportable naman pero patuloy na 120/min ang heart rate, blood pressure 150/100.

Isinulat ko sa medical chart,
 inform the obstetrician and anesthesiologist to defer cesarian section until full cardiac and thyroid function evaluation
 facilitate transfer to the intensive care unit (ICU) for closer monitoring
 inform the cardiologist and thyroid specialist of this referral May tinawagan muna ako bago ko iniwan ang ospital,

“Nemie, pwede mo bang tingnan by today ang pasyente? I am suspecting toxic goiter, full term na ang pregnancy kaya anytime pwedeng i-cesarian section, preeclampsia din siya, kaya minamadali na if possible, ma-CS na.” Si Nemie ang thyroid specialist ng ospital, parehong sa PGH kami nag-train para maging internists. Umoo naman siya at nangakong pupunta sa ospital para sa referral. Iyon lang at nag-biyahe na ako mula Alabang papunta sa UP College of Medicine sa Pedro Gil St., Manila. Long examination ng mga tinuturuan kong estudyante na nasa 2nd year medical proper, 2:30-4:30 naka-schedule.

“You still have 15 minutes to finalize your answers, it’s already 4:15, you have to submit your papers at exactly 4:30.” Sa isang malaking lecture hall kumukuha ng long exam ang isandaan at animnapung second year medical students. Kasama kong nag-proctor si Professor Susie Sio, mas senior co-faculty. Tumunog ang aking cellphone, may message sa inbox- *infrming u dat px Angeli at DR is for emrgncy CS!* Nandilat ang mga mata ko sa aking nabasa, hindi ko pa na-clear ang pasyente for operation pero gagawin na nila. Nag- reply ako sa text *Y*. Nag-text back, * fetal distres FHT 100-120* Nangangahulugang nahihirapan na ang bata sa sinapupunan, bumabagal ang tibok ng puso at judgement call ng obstetrician na ilabas agad ang baby by cesarian section bagamat may malinaw na panganib sa ina.

Kinuha ko ang attention ni Professor Sio, “Ate Susie, pwede bang ikaw na ang magkolekta ng test papers? Kailangang pumunta ako sa Ospital ng Muntinlupa sa Alabang, very risky ang operation ngpatient ko at kelangang nadoon ako.” Pumayag naman siya. Malaking problema, hindi ko dala ang aking sasakyan kaya kailangan kong sumakay agad sa bus papuntang Alabang. Takbo ako papuntang Taft Ave. Tiyempong may ordinary bus patungo sa aking destinasyon. Ang kaso sigaw pa nang sigaw ang konduktor at naghahapit na makarami ng pasahero, “O Alabang! Alabang! Skyway!” Ilan beses pang pa-ulit ulit.

Hindi ko lang mapigilan dahil siyempre trabaho nila yon at malay ba nilang may emergency ako. Ayaw ko namang mag-taxi dahil bukod sa sobrang mahal, dalang-dala na ako kasi’y laging natatapat ako sa driver na nandaraya sa bayaran, mapapa-away lang ako. Guminhawa nang konti ang aking dibdib nang magsimulang umandar ang bus. Nagdadasal akong, “sana po walang trapik kahit Biyernes ngayon.” Buti na lang at wala pang alas-singko at nagsisimula pa lang ang pagkapal ng mga pasaherong pauwi ng bahay. Nasa may Sucat na ang bus nang tumawag si Nemie sa cellphone, “Noel nasa ospital ka na ba? Tumatawag kasi ang ospital sa akin, hindi raw maganda ang lagay ngpasyente mo.”

“Nemie, papunta pa lang ako sa ospital, nasaan ka ba?”, tugon ko. “Actually Noel nasa Ninoy Aquino airport pa ako. Di ko kasi nasabi sa iyo na nasa Surigao pa ako nang kausap mo ko early this morning. Toxic daw yung pasyente, mababa ang oxygen saturation, nasa stretcher na papunta sa operating room. 85% lang ang saturation.” “Haaah!? I’m on my way there.” Lumiko na ang bus pa-exit ng expressway papasok ng Alabang. Sa Tollgate pa lang pila na ang mga sasakyan. Laking asar ko nang makitang punong -puno ng mga sasakyan ang ilalim ng flyover ng Alabang. Sa mala-pagong na pag-usad ng sasakyan at pagpasok na pagpasok ng bus sa tollgate, humangos na akong pababa, walkathon, minsa’y patakbo.

Nagkatotoo ang kinatatakutan ko nang nag-ring ang cellphone. “Dr. Cruz, this is Ospital ng Muntinlupa, where are you? We have been paging you, please proceed immediately to the operating room, your patient had a cardiac arrest and presently being resuscitated while they are doing the cesarian section” Hingal na hingal kong sinagot, “Oo malapit na ako, nasa Alabang na ako.” Binilisan ko ang takbo, sa may likod ng Asian Hospital ako dadaan malapit sa Alabang Tollgate papasok ng Expressway. Nakikita ko sa aking imahinasyon ang eksenang habang hinihiwa ang tiyan ng buntis at hinuhugot ang bata, sabay ang paulit-ulit na pagdiin sa kanyang dibdib.

Lahat ay sa hangaring maisalba ang mag-ina. Bawat segundo ay mahalaga, kaya’t mabilisan ang pagkilos. Nakarating din ako sa wakas, sa operating room, “Nurse, can I have a cap, gown and face mask, I am Dr. Cruz and I need to proceed to the operating room.” Habol-habol ko pa rin ang aking hininga at naririnig ko din ang mabilis na tibok ng aking puso. Pagpasok ko, bumungad ang eksena: ang obstetrician, kinakausap ang humahagulgol na si Aristotle; ang assistant obstetrician at resident physicians, tinatahi pasara ang tiyan ng pasyente; ang anesthesiologist, nag-aadjust ng anesthesia machine upang itaas ang delivery ng oxygen; at ang pasyente-------- nasa ibabaw ng operating table, maitim at malamig ang mga kamay at paa, hindi gumagalaw; sa tubong daanan ng hangin na nakakabit sa bibig ay tuloy-tuloy na lumalabas ang mabulang tubig na kulay pink.

Sa mga monitor na nakakabit: heart rate 180, blood pressure 200/130, at ang porsiyento ng dugo na may dalang oxygen (Oxygen saturation), 52% (ang normal ay 95-100%). Katatapos lang ma-revive ang pasyente. Dalawang beses daw nag-arrest habang ginagawa ang cesarian section. Naikwento sa akin ang kaganapan bago tumigil ang tibok ng puso ni Angeli. Bumagal nga ang puso ng baby kaya’t madaliang nag-desisyong ilabas na sa sinapupunan by Cesarian Section. Nang una’y ayaw pumayag ni Aristotle dahil mas mahalaga daw sa kanya ang kanyang asawa kaysa sa kanyang anak, “Dok hindi ako makakapayag, iligtas ninyo ang asawa ko, huwag ninyo munang i-CS” Tulirong-tuliro siya. Kung hindi gagawin ang operasyon, parehong ikamamatay ng kanyang mag-ina.

Walang nagawa kundi pumirma ng pagpayag. Gising pa raw si Angeli nang ilipat sa stretcher na nagdala sa kanya sa operating table. Kalalapag lamang sa table nang sa sobrang nerbiyos ay sunod-sunod siyang napaubo, may pinkish na mabulang plema ang lumabas sa bibig, nahirapang huminga. Mula 95% ay naging 85% ang saturation ng oxygen. Ganoon lang at bumulugta na lamang at sukat tumigil bigla ang tibok ng puso. Nataranta ang lahat kaya’t habang nagre-resuscitate ay nagCesarian section nang mabilisan, mailabas lang ang bata sainang halos patay na. Matapos ang siyam na minuto, na-revive ang pasyente. Pagkatapos na pagkatapos ng CS, tumigil muli ang puso at limang minuto pa bago ma-revive. Sa kabilang banda, inabot lamang ng dalawampung minuto ang cesarian section. Pagkahugot, medyo malumanay pa ang pagkilos ng baby. Sa mga ginawa ng nag-abang na pediatrician unti-unting naging mabilis ang pagkilos at narinig din ang iyak ng bata.

Ligtas ang baby. Lumapit ang pediatrician sa ama. ”Mr. Arcilla, mangangailangan tayo ng maraming gamot para tuloy-tuloy ang kaligtasan ng baby mo. “ “Hindi siya ang pasyente ko, Mrs. ko lang ang pasyente dito.” Parang wala sa sarili si Aristotle, wala siyang pakialam sa bata. Inunawa ng doktor ang tugon ng ama at dinala na lamang sa nursery ang bata. Malinaw na pumalya ang puso ni Angeli, sa sobrang hina ay hindi na nakapag-pump kaya’t napuno ng tubig ang baga na literal na ikinalunod niya. Maaaring dala ito ng sobrang taas ng blood pressure na dulot ng pre-eclampsia o sa hinala kong may toxic goiter siya. Anuman ang sanhi nito, kailangang masuportahan ng gamot ang puso.

Piniga ko ang aking utak at inalala nang mabilis ang maaari kong gawin upang ma-reverse ang kondisyon ng kaawa-awang pasyente. Nagpabigay ako ng Furosemide 160 mg na ipinadaan sa suwero. Malakas na pampaihi ang gamot kaya’t sa urine bag ay nakasukat ako ng higit isang litrong ihi. Ano pa? Parang naging Christmas tree ang pasyente sa dami ng mga gamot na isinabit at pinadaloy ko sa kanyang ugat: Dobutamine, Isoket, D5NR, bukod pa sa tuloy-tuloy na pag-inject ng citicoline, furosemide at morphine. Maitim pa rin ang pasyente, 62% ang oxygen, hindi pa rin compatible sa isang mabubuhay. Kung magpapatuloy ito, anumang sandali ay titigil muli sa pagtibok ang puso.

May isang oras na ako sa aking ginagawa, medyo pinanghihinaan na rin ako ng loob. Wala pa rin akong naaaninag na magandang senyales. Nailapat ko na ang dapat mailapat, kumpleto na ang gamot na pwedeng ibigay. Umatras ako at sumandal na lamang sa dingding ng operating room, naghintay kung ano ang mangyayari sa pasyente. Naipapaliwanag ko sa asawa ang lahat kong ginagawa at kung ano pa ang maaari naming asahan. Hindi lang 50-50, kundi 30-70 ang tsansang mabuhay si Angeli. Sinira ng obstetrician ang kanyang katahimikan nang sinabi niyang, ”Sige na Aris, lapitan mo na asawa mo at kausapin mo.” Tahimik na ang lahat, dahan-dahang nilapitan ni Aris ang asawa.

Hindi matanggap ang kalagayan ng asawa, nakababad sa luha ang mata kaya’t malabong tinitingnan mula ulo hanggang paa ang nakahandusay na asawa. Inilapit niya ang bibig sa kanang tainga ni Angeli at kinausap. Parang literal na nakapako sa krus si Angeli, dahil ang posisyon ng isang pasyente sa OR table ay nakapatong ang dalawang nakaunat na braso sa nakausling kahoy na parang krus. Nagluluksa na ang lahat. Laking gulat ko nang mabaling ang aking paningin sa pulse oximeter, ang monitor na nagsusukat ng oxygen sa dugo. Habang kinakausap ni Aris ang asawa, kitang –kita ko ang pagtaas ng oxygen saturation. Mula 67% naging 72%, . . . . .75% . . . . . . 92% hanggang umabot pa ng 95%.

Kinuha ng resident physician ang aking atensyon. “Sir, the pinkish, frothy secretions coming out of the endotracheal tube is gone!” Nawala ang pagbabaha ng tubig na mabula sa dibdib ng pasyente. Nag-stabilize ang heart rate, bumaba ang blood pressure sa acceptable level. Samakatuwid, lumalaban pa para mabuhay. Sa urine bag ay dumaloy ang halos isa’t kalahating litro ng ihi, nangangahulugang may function pa ang mga bato. Kapag kasi nawala ang ihi, senyales ito para sa akin na wala na, tuloy-tuloy na bibigay hanggang mamatay ang pasyente. Ewan ko kung sa gamot na naibigay ko, o sa pagkaka-kausap sa pasyente ng asawa, o anumang dahilan kaya lumakas ang pag-asa na mabubuhay si Angeli. Nagpatuloy na lumitaw ang mga senyales na buhay ang pasyente.

Lumabas na kami’t pinag-usapan ang mga naganap. Habang isinasalaysay sa medical chart ang aking mga interventions, humingi naman ng tulong ang resident physician na naiwan sa OR, “Sir help, gumagalaw na ang pasyente, malikot na at baka hugutin ang mga nakakabit sa kanya!” Siyempre pa, tuwang-tuwa kami. Ipinayo ko sa pawis na pawis na obstetrician at anesthesiologist na mauna na silang umuwi, pasado alas dose na ng umaga. “Ako na ang bahala dito Sir, I believe the patient will survive, hopefully, for all the crucial reflexes are intact including the pupils’ response. I’ll just facilitate her transfer to the ICU.” Inabot pa rin ako ng kalahating oras na nagsusulat sa medical chart. Eksakto ala-una y media nang malipat si Angeli sa ICU, kasama ang asawa na tuloy-tuloy ang pakikipagusap sa pasyente. Ayaw pa rin niyang tingnan ang kanyang anak.

Nakauwi na rin ako matapos ang paglipat sa ICU. Sa bahay, di ako mapakali,kasi baka anytime may tawag na tumigil na naman ang puso. Salamat naman nang matulog ako’t magising, wala ni isang tawag. “Urine output adequate; blood pressure ranged from 110 to 140 over 80 to 90; oxygen saturation, 95-100%; heart rate 100-110” , ang magagandang report sa akin ng ICU nurse kinabukasan pagbalik ko ng Ospital. Nasa tabi pa rin ni Angeli si Aris, “Doc Noel, maraming salamat, naniniwala ako mamayang hapon lang makakausap ko na asawa ko.” Tinanong ko si Aris kung nabisita na niya ang kanilang anak sa nursery. Tumahimik lang siya. “Nakausap ko ang pediatrician, maganda naman ang lagay ng inyong baby, malakas nga raw dumede.” Hindi na ako nangulit.

Sinabi ko na rin sa nurse na tawagan ang cardiologist para ma- 2D Echocardiography ang pasyente, at pati na rin ang endocrinologist para ma-verify ang toxic goiter. Sabado noon, naka-schedule akong mag-clinic sa isang semiconductor company sa General Trias, Cavite. Tutal maganda ang mga vital signs ng pasyente. Nag-desisyon akong pumasok sa clinic ng kumpanya. Alas-nuebe nang umaga, nasa company clinic na ako. Mangilan-ngilang empleyado ang nagpakunsulta. Doon na rin ako nakapag-almusal.

Alas diyes y media, may text message sa celfone * dis is 2 inform u, px angeli arcilla, icu bed 2 had anothr cardiac arrest, stil no HR, no BP, O2 sat 60% CPR ongoing 5 mins now, pls col 4 orders* Nakakapanlambot at nanlamig ang buo kong katawan. Napatawag ako sa ICU, “Revived na ba?”. “Yes Sir, after 7 minutes of resuscitation” “Give another dose of furosemide 40 mg, morphine 4 mg. Titrate up the Isoket and the dobutamine drip. Administer a stat dose of citicoline, 500 mg. Pupunta na ko diyan.” Ang problema, nag-shuttle bus lang ako. Walang masasakyan pabalik, na naman. Malungkot na sinabi ng company nurse na walang puwedeng maghatid sa akin. Kung magpapasundo naman ako ng aking sasakyan, manggagaling pang Alabang, malamang hindi na ako umabot sa ospital na buhay ang pasyente.

Ganun ulit, naghintay na naman ako ng himala na agad namang dumating. “Dok, tara ihatid kita, tutal yung mga pasahero kong managers nasa East Ridge, nag-go-golf”, si Jun Cabrera, empleyado ng kompanya. Kanina pa niya naririnig ang problema ko, nasa clinic siya, namamahinga. “Ganito na lang Jun, tatawagan ko kuya ko sa bahay at sasabihing i-meet tayo sa GMA, Cavite para doon mo na lang ako ihatid.” Mabilis kaming nakarating sa GMA. “Jun, maraming-maraming salamat!” Tiyempong dumating ang aking kuya para ipag-drive ako ng mabilis patungong Ospital ng Muntinlupa sa Alabang. Sa ICU, matapos ang pitong minutong cardiac arrest, comatosed na naman si Angeli. Naglalaro sa 85% hanggang 90% ang oxygen saturation. Lumaki nang husto ang tiyan ng pasyente, “ileus” nangangahulugang paralisado ang paggalaw ng mga bituka.

Ang consolation ko, mabibilis pa rin ang reflexes ng mga mata at marami pa ring ihing lumalabas sa urine bag. May laban pa. Nagdeklara ako sa lahat, “Kung meron mang mauubos na resources at pagod natin, lahat ito’y kailangang ibuhos sa pasyenteng ito.” Tumango ang mga nurses, at si Aris, umiiyak pa rin, “Doc Noel, gawin nyo lahat!” Maghapon akong nagbantay hanggang magdapit-hapon. Nag-respond naman ang pasyente sa pag-adjust namin ng mga gamot. Nag-stabilize ang BP, Heart rate at na-fix sa 95% ang saturation. Sa isang upuan sa nurse station ako nagpahinga. Napabaling ang aking paningin sa bukas na bintana, natatanaw ang Laguna Lake sa likod ng Metropolis Mall.

Payapa ang lawa, sa alapaap na direktang nasa taas ng lawa ay marahang naglalakbay ang mga pulo-pulong ulap. Pinaghalong orange at pula ang kulay ng mga ulap, nagliliwanag pa rin bagama’t nagsisimula nang mawala ang pagkabughaw ng langit. Pinahihiram pa rin sila ng liwanag mula sa papalubog na araw na nasa kabilang dako. Naputol ang kapayapaan ng kalikasan nang mapabaling ang aking tingin sa flyover ng Alabang, punong-puno ng sasakyan, siksikan at walang segundong hindi ka makakarinig ng busina.

Sabado kasi. Pilit ko pa ring ibinaling ang atensyon sa mga naglalakbay na ulap. Papadilim na. Nadama ko ang kapahingahan, tumingkad ang paniniwala na tulad ngmga ulap, mga manlalakbay lang tayo sa mundong ibabaw at kung kailan tayo papanaw ay may nagtatakda nito. May Makapangyarihang Kataastaasan ang nagpahiram sa atin ng hininga, tayo na mula lamang sa alabok, at naging buhay na kaluluwa. Na ang katawan natin ay behikulo lamang ng kaluluwa, at kung kailan ito babalik sa alabok, at isasauli ang ispirito, Diyos ang nagtatakda. Pakiramdam ko’y para akong isang palayok na nasaid ang laman at tuluyan nang binasag. Napatungo ako, salo-salo ng kaliwang kamay ang noo, nanalangin, upang lubos-lubos na ipagpaubaya sa Diyos ang desisyon kung anuman ang Kanyang kalooban sa pasyenteng si Angeli.

Maganda ang pagbati sa akin ni Aris nang bumalik ako sa ospital kinabukasan. “Doc Noel, kumukurap-kurap na si Angeli at iginagalaw ang kaliwang kamay, salamat ulit. Angeli, nandito si Doc Noel.” Lumiit na rin ang kanyang tiyan. May naririnig na rin akong tunog sa bituka. Pwede na siyang pakainin na padadaanin sa nasogastric tube. Blangko pa rin ang mukha ng pasyente, nakabaling sa kanan, tirik ang mga mata pakanan at dahan-dahan ang pagpikit at pagdilat. May kaunti na ngang pagkilos ang kaliwang bahagi ng katawan. Stable na naman ang mga vital signs, 95% ang saturation. Mabibilis pa rin ang mga reflexes.

Akala ko, kapag tulala ang pasyente, hindi pa rin gising ang kanilang diwa ngunit nagkamali ako. “Malakas daw umiyak ang baby niyo, malakas din dumede. Maayos na maayos ang kondisyon, ano ba pangalan ng baby boy?” Sumagot si Aris, “Doc, Benjamin po ang name niya”. Mukhang tanggap na ng ama ang kanyang baby. Napahawak ako sa kamay ng pasyente nang makita ko sa kauna-unahang pagkakataon, tumulo ang luha sa gilid ng kanyang mukha. Bilang doktor, sobra ang tuwa ko dahil ang luha’y senyales na maganda ang aking fluid balance, na hindi dehydrated ang pasyente dahil nakukuha pa ng katawan na maglaan ng tubig para sa luha. Nagkangitian lang kami ni Aris. “Alam mo Aris, sa kalagayan ni Angeli, pwede na siyang tumanggap ng mga bisita, mag-oorder na lang ako sa chart.

Maganda ang resulta ng 2D-Echo, mataas ang ejection fraction 55%, sukatan ng kakayahan ng puso na mag-pump. Na-verify rin na wala siyang toxic goiter. Ang nangyari sa pasyente ay ilan sa kakaibang kumplikasyon ng pagbubuntis.Naapektuhan ang mga muscles ng puso ng di pa malamang dahilan kaya pumalya ito. Reversible naman lahat dahil nakapanganak na siya.” Tama ang kasabihan na sa pagbubuntis, ang isang paa ay nakatuntong sa hukay. Kaya nga napakalaki ng utang na loob natin sa ating mga ina. Masaya ang pagpapaalam ko noon kay Aris at Angeli. Nagpayo ulit na maaari na silang tumanggap ng bisita pero limitado lang ang dami. Linggo iyon ng umaga, tumuloy ako sa aming sinisimbahan sa Sucat, ang Village Baptist Church. Abot-abot ang pasasalamat ko sa Diyos sa muling pagkabuhay ng pasyente.

Pagbalik ko sa ospital, alas-kuwatro ng hapon, may isang pulutong ng mga nanay ang nasa parking area, may ilang batang kasama. Pagdaan ko sa kanila, narinig ko sa isang bata na pinag-uusapan nila si Teacher Angeli. Di ko naman akalain na dadagsain ng bisita ang pasyente. Expected ko’y mga kapatid o magulang lamang. Napag-alaman ko na isa palang teacher ang aking pasyente. Adviser siya ng isang class sa grade 3 ng La Consolacion College- Binan, Laguna. Lalong napalapit sa akin ang pasyente, kapwa pala kami teacher. Simula noon, Ma’am na ang itinawag ko sa kanya kapag nag-rarounds ako. Obvious na mahal na mahal siya ng kanyang mga pupils, kasama pa ng mga magulang nila.

Ang sumunod na dumating naman ay mga madre ng La Consolacion. Nailahad ko sa kanila ang lahat ng kaganapan sa pasyente. Buong puwersa daw nila angtaimtim at sama-samang nagdadasal para kay Angeli. Pagdaan pa ng ilang araw, unti-unting nagigising ang pasyente, tumatango o umiiling na kapag kinakausap. Tuloy- tuloy na sana ang pagbuti ng kanyang kalagayan, pero heto’t dumating na naman ang isa pang kabanata ng pagsubok. Sa endotracheal tube na nakakabit sa kanyang baga ay lumabas ang napakaraming madilaw na plema. Nadagdagan pa ng lagnat na mataas. Ayaw bumaba ang temperature sa 38.5, umabot pa ng 39.8. Pulmonya na umaatikabo.

Mangangailangan ng antibiotics na napakamamahal. Nag-order ako ng Ceftazidime 500 mg per vial every 8 hours at Gentamycin 240 mg per day. Isang vial ng ceftazidime ay nagkakahalaga ng 700 pesos, lumalabas na 2,100 ang kailangan para sa isang araw ng antibiotic, ceftazidime pa lamang. Di bale na ang gentamycin 30 pesos lang isang vial na may lamang 80 mg. Hindi pa ako nakakahiling ng isa pang himala, nang may dumating agad. Pagkakita ng nurse-on-duty ng orders ko sa chart, “Dr. Cruz, marami po tayong stocks ng ceftazidime, may nag-donate 3 months ago, kailangang magamit na ito by this month.”

“Libre ba yan?” “Yes Doc, utos nga ng medical director na hanapan agad ang mga ito ng mapag-gagamitan para huwag ma-expire at masayang lang.” Napabuntung-hininga ako sa tuwa. Kumbinsido na ako na ang istorya ng pasyente ay hindi lamang isang aksidente. Sala-salabid na mga problema pero patungo pa rin sa malinaw na solusyon.

Na ang nangyayari ay maihahalintulad sa isang orchestra na sabay-sabay ang mga musical instruments sa pagtugtog, hindi ingay ang nalilikha dahil may maestro conductor na kumukumpas at nagbibigay senyales kung kelan papasok o titigil sa pagtugtog ang mga instrumento. Dahil dito litaw na litaw ang mensahe ng musika na nagmumula sa puso ng kompositor. Pinagdugtong-dugtong lahat ang mga pangyayari. Mga ilang araw pa ng antibiotic bago nawala ang lagnat at tumigil ang paglabas ng plema. Sinimulan ko nang babaan ang dose ng mga gamot na pang-suporta sa puso at baga.

Dahan-dahan ko na ring tinatanggal ang pasyente sa mechanical ventilator. Gising na gising na si Angeli. Dumating din ang araw ng paghugot sa endotracheal tube at matanggal siya ng tuluyan sa ventilator. Pinaubos ko na rin ang suwero at pinalitan ng tableta ang lahat ng gamot. Success! Pagkahugot ng tube, kayang-kaya niyang huminga ng kanya. Kaya rin niyang umubo para mailabas ang natitirang plema sa baga. Maganda rin ang prognosis ng pasyente kung puso ang pag-uusapan. Ito rin ang opinion ng cardiologist. Hindi pa rin maubos-ubos ang problema. Napansin namin ni Aris na hindi iginagalaw ng pasyente ang kanyang kanang kamay at paa. Paralisado ang mga ito.

Isa pa, mukhang hindi na siya nakakakita. Pinatawagan ko ang neurologist at ophthalmologist para ma-assess ang bagong problema. Ayon sa kanila, malamang reversible ang lahat ng mga ito, na bunga lamang ito ng pagtigil ng oxygen supply sa brain noong nag-cardiac arrest siya, na nagresulta sa pamamaga ng utak. Hopefully, kung wala nang pamamaga, babalik ang lakas ng kamay at paa, malamang makakakita rin siyang muli. Matapos ang mga araw na paglagi sa ICU, nag-order na ako,”Please facilitate transfer to regular room.” Sa kuwarto, pinasimulan ko na sa Rehab Medicine specialist ang physical therapy ni Angeli. May lumalabas na ring boses sa kanyang bibig at nagsimula na rin siyang mag-kuwento. Isang hapon pagpunta ko sa kanila, sa labas pa lamang ng pinto ay dinig na dinig ang malakas na iyak ni Benjamin. Pagpasok, nakita kong pinaghehele ni Aris ang bata.

Nakaupo naman sa gilid ng kama si Angeli, nakasandal sa kanyang kapatid na babae. Nandoon na rin ang ina ni Angeli na pinasundo pa galing probinsya. Humatak ako ng silya at nakinig sa kwento ng pasyente, marahang pagsasalita at medyo mahangin pa ang labas ng tinig... “Doc Noel, thank you so much... alam mo, that afternoon na nanganak ako... nakita ko ang baby ko na dinala sa nursery... Alam ko ang face niya, kamukha ko... Nasa OR kayo, napapunta ako doon sa baby ko... ewan ko ba, lumaki siya agad na parang 3 years old... namasyal kami sa isang maliwanag na lugar walang ibang nakikita kundi isang stream... nasa isang stream kami na mabuhangin... naglalaro si Benjamin pero hindi lumalabo ang stream... malamig ang tubig na hanggang paa lang ang lalim... maraming small fishes... nanghuhuli kami... tinawag ko si Benjamin dahil lumalayo na sa pag-catch ng fishes... nakakatuwa siya... laro nang laro until sabihin niya sa akin, ‘Mommy uwi na tayo’.”

“O pahinga ka na ma’am, ang ganda naman ng kuwento mo,” nag-interrupt na ako dahil medyo hingal na rin siya sa kakukwento. Hindi ko na pinahalatang kinilabutan ako sa kanyang kwento. Hiniram ko kay Aris si Benjamin at pinagmasdan ang mukha, “Walang kaduda-dudang mukha ni Teacher Angeli ang face ni Benjamin.” Nangisi lang si Aris. Ilang araw pa ang inilagi ni Angeli sa ospital para makapagpalakas. Nauna nang iniuwi sa bahay si Benjamin. Sinagot ng nanay ni Aris ang bill ni Benjamin na umabot ng 40,000.

Dalawang linggo ang kabuuan ng confinement ni Angeli. Sa wakas, nakapag-order na ako sa medical chart --> ”may go home, please inform all attending physicians, for follow-up after 2 weeks” Problemang financial naman ang binuno namin nang mag-text si Aris *Doc Noel D pa rin kmi uwi, 152T hosp bill less na filhelth * Options Reply *Aris, God hs proven Himself in the past, now p b mwwlan hope? let’s C ano miracle 2 follow * Alam kong himala ang kailangan dahil government employee si Aris, rank and file sa Department of Labor and Employment. Hindi nila inaasahan na magiging masalimuot at magastos ang panganganak ni Angeli. Dalawang araw pa bago ko nalaman ang himala na ginawa ng Diyos sa mag-asawa. Nag-ring ang mobile phone, si Aris sa kabilang linya “Doc Noel, nasa bahay na kami, maraming salamat sa lahat. May pupil si Angeli na ang mommy ay empleyado ng Muntinlupa City Hall, nilakad niya na ang privileges nila ay malipat sa amin.

Nakakuha kami ng malaking discount. Yung mga sisters ng La Consolacion, nakapag-raise ng funds sa PTA, sa ibang schools at kung saan-saan. Ok na ang mag-mommy ko. Thank you ulit sa lahat.” “Alam mo namang himala ang lahat ng nangyari. Sige follow-up kayo after 2 weeks.” Napakaraming mensahe ang naituro sa akin sa pag-handle ko ng case ni Angeli. Sa totoo lang, dati naniniwala ako na kapag comatosed, walang saysay na kausapin pa ang pasyente. Ngayon, malaking papel ang ginampanan ng patuloy na pakikipag-usap ni Aris sa asawa. Desisyon pa rin ng Diyos kung kailan niya itatakda ang kamatayan ng bawat isa. Na hindi na kailangang may makausap pang santo o anghel o sinumang namatay na propeta para makaranas ng himala. Napakaraming himala ang naganap na wala naman ang mga ito. Na may iba pang daigdig bukod sa daigdig nating limitado ng time and space... na may iba pang sangkap ang ating pagkatao bukod sa laman at dugo.

Nagbilin ako ng instructions kay Aris na anumang maging problema ay tawagan agad ako. Sa loob ng dalawang linggo bago ang follow-up, wala akong natanggap na tawag mula sa mag-asawa. Pagdating ko isang araw sa OPD ng ospital, nandoon si Aris, Angeli at ang kanyang ina. Sa lobby kami nagkita, at narinig ko ang tunay na boses ni Angeli, “Doc Noel, kumusta na kayo, ang guwapo mo pala!” “ Naku Ma’am, malabo pa pala ang mga mata mo, akala ko ba lumilinaw na,” tugon ko habang nakikipag-kamay kay Aris at sa kanyang biyenang babae. “Doon tayo sa clinic.” Nagtatawanan pa kami. Laking tuwa ko nang tumayo si Angeli sa kanyang kinauupuan at nagsimulang lumakad, walang nag-aakay.

Malakas na pala ang kaliwang bahagi ng katawan na dating nanghina. Ilang physical at neurologic examinations ang aking ginawa. Maganda at malakas ang tibok ng puso, may kaunting panlalabo pa ng mata. Biniro ko ang pasyente, nang magpakita ako ng Health Today magazine na si Mel Tiangco ang nasa cover, “Sino ito? Makikilala mo ba siya? Tumitig siya sa magazine,”Di ba siya si Kris Aquino?” patawa niyang sagot. “Kaya pala guwapo ang tingin mo sa akin eh.”

Nagtawanan na naman kami. “Hindi Doc si Mel Tiangco siya, binibiro lang kita” “Teacher ka nga Ma’am, may sense of humor, nakakuha ako ng katapat, hehehe. Anyway-highway, makipag-set kayo ng appointment sa ophthalmologist para mabantayan nang husto ang kondisyon ng iyong mata. Itigil mo na ang lahat ng mga gamot, nakaraos na tayo.” “Doc, binyag ni Benjamin sa next, next Sunday. Kailangan nandoon ka kasi hindi ka na siguro magtataka kung bakit ninong ka,” mayabang na invitation ni Aris. Naging bahagi na rin ng buhay ko ang pamilyang ito. Magulo, sigawan, at kantiyawan.

Mga boses ng matatanda, bata, lalaki, babae.
“O dito kayo sa gitna, yung mga bata sa harap umupo”
“Sisters, tumabi kayo sa mag-asawa”
“Yung mga parents sa likod.”
“Doc! Doc Noel! tumabi kayo kina Aris at Angeli, please”
“Compress, compress!” Sister di kayo kita diyan!”
“Hoy bitawan mo muna yang kinakain mo!”
Say Cheese! Smile” “Say sex!”
"Hoy mahiya ka may mga madre!”
“Paurong muna yung table, Nakaharang”
“Benjamin! Hi! Smile! “Okay, One... two... three” Click.
Obstetrician: Dr. Cesar UbaldoAssistant
Obstetrician: Milky Sales-Diaz
Anesthesiologist: Dr. Edwin Cruz
Resident Physician: Dr. Michelle Abejuela
Pulmonologist: Dr. Ethel Anonuevo
Cardiologist: Dr. Gerard Vilela
Neurologist: Dr. Noel Bernales
Rehab Medicine: Dr. Rannie Sarmiento
Endocrinologist: Dr. Nemie Nicodemus
Ophthalmologist: Dr. Joey Casimiro
Pediatrician: Dr. Cris Patdu, Nursing Staff, ICU, Station 1, Ospital ng MuntinlupaJun Cabrera, Analog Devices, Kuya Danny Cruz, Prof. Susie SioArcilla ClanFaculty, Staff, Pupils and Parents-Teachers Association- La Consolacion College, Binan, Laguna

“All for the Glory of the Living God!”

No comments: